Oct 29, 2011

Ano yan, sir, camera?


www.laptoptechno.com

Kakaikot ko lang sa isang malaking mall sa Gensan.  Naisipang mag-canvas para sa isang klase ng digicam na natitipuhang bilhin ng isa kong pamangkin.

Ito ang naging eksena sa Stall X (hindi tunay na pangalan) - isang tindahan sa loob ng mall na nagbebenta ng DSLRs, point-and-shoot cams, smartphones, at samu't sari pang gadgets (iyan ay kung pagbabatayan ang mga naka-display sa mga estante nito):


Salesclerk 1: (Napansin ako na pumasok sa tindahan at patingin-tingin sa mga naka-display na digicams) Yes, sir. ano po yun?
Ako: Miss, meron kayong Canon Poweshot A3200?
Salesclerk 1: (Kumunot ang noo) Ha, ano po yun sir?
Ako: Canon Powershot A3200, IS.
Salesclerk 1: Ah, Canon Powersho.. (Tinawag ang kasama sa katapat na estante) 'Day, naa tay Canon Powershot.. (bumaling sa akin) unsa gani to sir? [Ah Canon Powersho... 'Day, meron tayong Canon Powershot.. ano nga uli yun sir?]
Ako: A3200 IS
Salesclerk 2: (Kinunutan ng noo ang kausap) Unsa na sya?  [Ano yan?]
Salesclerk 1: (Muling bumaling sa akin) Unsa daw na sya, sir.. camera na sya? [Ano raw yan sir, camera ba yan?]
Ako: (Nagulat, syempre) Ha? hindi nyo alam kung ano yung Canon Powershot?
Salesclerk 1: (Honest na honest sya) Hindi, sir.
Ako: (Napangiting inis) Sigurado kayo, miss? Na hindi nyo alam na camera ang Canon Powershot?
Salesclerk 1: Sigurado talaga, sir.

Nagpasalamat na ako't nagpaalam.

~oOo~ 

Hindi ako bibili sa tindahang iyon. Nagdududa ako kung alam ba talaga nila ang kanilang tinitinda. Sa dami ng kamerang naka-display; sari-saring tatak at modelo - Canon, Nikon, Sony, Samsung, etcetera - hindi nila alam na ang Canon Powershot ay kamera? Hindi magiging palaisipan kung nagkataon lang na wala silang stock o wala sa imbentaryo nila ang alinman sa mga modelo ng Canon Powershot. Pero hindi eh; sadyang hindi nila kilala ang Canon Powershot - isa sa mga pinaka-kilala at pinaka-mabentang product lines sa buong mundo! And to think meron silang binebentang Canon DSLRs!

Bilang isang konsumidor, mahalaga sa akin na naipapakita ng tindera/tindero ang sapat na kaalaman nya sa kanyang mga paninda. Nagpapahiwatig ito ng kaseryosohan sa pagnenegosyo ng may-ari ng tindahan - pinag-aaralan ang kabuuang ng industriyang kinapapalooban ng kanyang negosyo at nag-iinvest sa kaalaman at kasanayan ng kaniyang mga empleyado. At kapag seryoso ang isang tindahan, malamang kaysa hindi, seryoso ring magbibigay ito ng serbisyo sa mamimiling tulad ko para masulit naman ang binayad ko sa kanilang produkto - mula sa pagtanggap ko ng produkto hanggang sa after-sales na serbisyo.
 
Ang mga gadgets ay uso. Pero uso rin ang mga tindahang walang karapatang magtinda nito. Ang tindahang napasukan ko sa isang mall sa Gensan kanina ay isa sa mga ito, duda ko. Kaiingat kayo.