Aug 20, 2011

Scammer's Delight


Isang umaga, may nag-text.

+639295684557: Kmsta na ky0ng lhat jn, ok nman ak0 d2 sa abr0ad, e2 na pla bgo kng roaming n0. ,save nyo 2 d2 na kyo mgttxt,mis k na kyng lht dyan,ingat kyo plage.txbk

Kahit na naduduling ako sa text message, binasa ko pa rin. (Ganyang-ganyan ang hitsura nyan; di ko binago ang anumang spacing at punctuation). 

Sa simula excited ako. Palibhasa, nitong mga huling araw, sadyang nag-aabang ako ng mga text o tawag mula sa mga numerong di nakikilala ng cellphone ko. Nagre-reconstruct kasi ako ng nasirang phonebook ng cp kong mumurahin. Sa isip ko, hay salamat may kumonek na namang kaibigan.

Pero naamoy ko rin kaagad ang isda.

Ako: eh sino ka?

Hindi sumagot. Scammer malamang-lamang, sa isip ko. Ito yung mga nagkukunwaring kamag-anak tapos nanghihingi ng kung anu-ano. Nakatanggap na rin ako nang ganito noon; hindi ko pinansin. Ano kaya kung patulan ko? Katuwaan lang. Tinext ko uli.

Ako: ikaw ba to ate?

Kalahating oras bago sya nag-reply.

+639295684557: Oo ate 2,musta kau jan?

Aba. Abababa. Kumbaga sa Ilonggo, ay abaw. Abaw gid.

Ako: ok namn kame ikaw?

Ita-type ko sana "0k Naman kameH, 1kaW jEJEJejEsSzsZZ?", para mag-tunog kaladkarin ako (no offense sa mga jejemon). Di na kailangan, kinaladkad naman nya ako.

+639295684557: Nga pla kya ako ngtxt ittn0ng k kung merun jan mlpt n ngbbenta prepaid crd,my kaibgan ako gs2 bmili un tig 500 mbili jan mainbenta 2500.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung tama ang sinukli kong sagot sa huling message. Mahirap magkunwari baka akala nyo. Tsaka, ikaw kaya, ipagpalagay na ignorante ka sa mga ganitong uri ng raket, madali bang intindihin itong huling text nya?

Ako: tig 500 tapos ibenta ng 2500? pano gawin? mern nabibili sa downtown lapit lng.

Simbilis ng kidlat 'ika nga ang kanyang tugon.

+639295684557: Gni2 bili jan,db bwat prepaid crd my PIN # ittxt m un sken, 5 smrt at 5 globe order ng buyer.

At hindi na nakahintay sa reply ko, nag-follow up message pa. Atat makadugas.

+639295684557: Txt m agad kpg nkbili ngaun,cnb k buyer wait nla,kpg nkbli ngaun bukas k pdla byad.

Paano naman kaya niya naisip na meron akong ready cash on hand na limang libo?

Ako: k, c jun2 utusan ko mya tanghali la kac maiwan d2 hauz uso nakawan d2 ngayn. tig 2 muna ate kac kulangin ako. next na un 3

Si Junjun ay fictitious character. Pero totoong ako lamang ang tao sa bahay at uso talagang ang nakawan sa amin. Yung isang magnanakaw ka-text ko ngayon.

Siyempre hinintay ko munang magtanghali bago ako mag-text uli. 12:30 n.t.

Ako: ate and2 na 2 smrt 2 globe card. 2moro na ung iba. itex ko na sayo pin?

Ala una kinse na ng hapon siya nakasagot. Nanananghalian rin (at malamang nagsi-siesta pa) ang mga mandurugas.

+639295684557: Ok itxt muna pin #, ngaun k lng nbasa txt m.

Simbilis rin ng kidlat ang pamatay kong tugon.

Ako: ok. pwde ko rin kac ipadal mga cards sa St. Peter Express. libre me kilala kac ako dun.. wer b location mo? sa langit, purgatorio o impiyerno!

Sensya na, hindi ako marunong magmura sa text. Sa palagay nyo, nag-reply pa siya? Hindi na. Nakakaramdam rin ang mga mandurugas.