Mar 18, 2010

Ang tagal!

"Ang tagal!" Sa maraming pagkakataon maaaring i-usal ang mga katagang ito. Sa haba (at patuloy na humahabang) oras ng brownout araw-araw sa halos kabuuan ng Mindanao (liban anila sa Davao City); at sa tagal mag-isip at kumilos ng pamahalaan sa kung papano ito mabigyang kalutasan. Pwede ring gamitin ang mga naturang salita kung atat na atat ka nang magkaroon ng bagong pangulo ang Pilipinas. Biruin mo 2004 ka pa nang huling nangarap ng bagong mukha sa Malakanyang. Parang ang tagal namang dumating ng May 10, 2010. Pero kwidaw ka, tatakbo pong Kongresista si Gloria at malamang kaysa hindi, mananalo ito at baka magiging Speaker pa o di kaya'y Punong Ministro. Tatagal pa po si Ginang Arroyo.

"Ang tagal" rin ang maaaring maglarawan ng pag-usad ng blog na ito. Setyembre noong nakaraang taon pa ang huling post. Kalahating taon! Mortal sin yata ang ganito sa blogging community. Hmmm, hindi naman siguro. Wala namang akong hinahabol na deadline o page rank, o kung anupaman. Ang ibig kung sabihin, hindi naman ako ganung klaseng blogger. Eh sa naging mas busy ako sa Facebook, anong magagawa ko.

Isang bagay na matagal ko nang huling ginawa ay ginawa ko noong Pebrero 12-13 - ang bumisita sa bayan ng Kiamba, Sarangani Province. Noong mga circa 2001 ako huling napasyal sa lugar na ito. Erya ko kasi ang Kiamba noong ako'y nasa kasipagan pang magtrabaho sa isang NGO. Matagal na nga pala talaga batay na rin sa dami ng mga pagbabagong nakita ko - mula sa bagong tayo'ng mga tulay sa highway hanggang sa mga dagdag na guhit sa mukha ng mga Kiambans na noo'y naging kaagapay ko sa trabaho.


"RNR", isa sa mga entries ko sa photo contest. 
Kuha ito mula sa seawall ng poblacion ng Kiamba

Sa pagdalaw ko sa Kiamba ay ginawa ko rin ang isang bagay na matagal-tagal ko nang pinaplanong gawin - ang sumali sa isang photo contest. Mga dalawang taon na mula nang nakahiligan kong magkukuha ng mga litrato gamit ang isang digital camera. Mga dalawang taon ko na ring binalak na umentra sa mga paligsahan, kahit dito lang sa lokal, sa layuning gusto kong matuto pa ng maraming bagay sa larangan ng potograpiya. Ngunit lagi na lang akong nababahag ang buntot. Nai-intimidate ako ng mga naglalakihang kamera't lente ng mga pros na magiging kasabay ko sa contest. (Wala bang photo contest na exclusive para sa mga point-and-shoot camera lang?) Walang swerte, lahat ng entries ko sa photo contest hindi nag-qualify. Baka nadaya raw ako sabi ng asawa ko. Ang sabi ko sa kanya, hindi naman ako sumali sa eleksyon.

Kailan ba akong huling tumambay ng matagal? November 2001, Toronto Airport, 11pm-6am; kakahintay ng connnecting tungong Halifax? July 2007 8am-1pm, Philippine General Hospital; nag-aabang kung magigising pa mula sa operasyon sa puso? Marso 6, 2010, 3-7am, Sunsweet cafeteria malapit sa plaza ng Malaybalay, Bukidnon; habang inaabangan ang Kaamulan Festival street dancing. Itong huli ang isa sa mga pinaka-nakakabagot na tambay na naranasan ko. Madaling araw, antok, pagod, pero hindi makatulog sa takot na masalisi. Kasalanan ko rin dahil ito ang ginusto kong itineraryo - punta, shoot, uwi. Hindi ko natantyang ganun kaaga makakarating ang bus mula Davao at ganun kahirap maghanap ng pansamantalang matutulugan (piyesta ba naman). Buti na lang may mga mabubuting kaluluwa tulad ng sikyo'ng si Ivan na nagpapayag sa aking tumambay sa 24/7 panaderya't kainan na kung tawagin ay Sunsweet. Kaluluwang nagpapaluwag ng buhay.


Isang bahagi ng street dancing sa Kaamulan Festival 2010, 
Malaybalay City, Bukidnon.