Sep 7, 2009

Pangulo? o Botanteng Pilipino?

Naka-rehistro na muli ako. I mean, botante na uli ako. Ginawa ko ito noong April 15 nitong taong ito. Kung bakit? Eh, pinag-iisipan ko nga ngayon kung bakit nga ba.

Huli akong bumoto noong panahon kung kelan tumakbong pagka-pangulo si Senador Raul Roco. Noong first time syang tumakbo. Mula noon, hanggang miron na lang ako. Tinamad akong magpalipat ng lugar ng rehistro (matapos lumipat ng tirahan sa probinsya); tinamad akong magpa-re-register (nang marinig kong nilinis nila ang voters' list). Lumahok pa rin ako noong mga sumunod na halalan; nangampanya para sa ilang mga kandidato. Pero hindi na ako bumoto.

Dismayado ako nang matalo si Roco, ang kandidato ko. Dismayado ako sa mga bumoto sa nanalo; sa mga nagpaloko. Tingin ko kasi, hindi naman eleksyon ang nangyari. Hindi pumili ang mga botante ayun sa merits at programa ng isang kandidato. Parang pustahan ang nangyari, tumaya ang mga tao sa llamado. Ang sarap nga naman ng feeling pag, at the end of the day, lumabas na ang manok mo ang nanalo. Para ring naging bilihan ng lotto ang eleksyon. Nang makitang lumalaki ang pot, nagpilahan ang mga tao; hoping may masungkit silang biyaya kahit pira-pirasong barya.

Oo, alam ko may iba pang mga anggulo sa pagsusuri sa mga nangyari. Ang sinasabi, pinahiwatig ng "masa" ang kanilang kolektibong boses (na para bang ako ay hindi bahagi ng "masa"). Ang iba nama'y, "Eh sa ganun lang naman kababaw ang kaligayahan ng mga Pilipino, masaya na silang nanalo ang binoto nila". At marami pang iba.

Ang siste, nabalewala ang boto kong pinagmuni-munihan at pinagsimba ko ng todo-todo, dahil lang sa kapritso ng marami sa mga kapwa kong binalewala ang kapangyarihang sana'y nagamit para sa tunay na pagbabago at pag-unlad.

At, not just once but twice! Naulit ito noong sumunod na presidential election. Taong 2004. Muling bumuhos ang todo-todong suporta ng "masa" sa isang kandidatong ni ayaw maglahad ng kanyang kongkretong programa sa pamamahala (assuming na meron)! Kinailangan pang dayain maudlot lamang ang nakaambang nakakabagabag na scenario sa Palasyo.

Pero higit  na nakabagabag ang tinuran ng isa kong kaibigan kung bakit ang incumbent na si Ginang Arroyo ang pipiliin (at pinili) nya bagama't meron pa siyang napupusuang ibang kandidato na sa kanyang tingin ay mas nababagay maging pangulo kaysa sa dalawang nangungunang magkaribal na si Arroyo at FPJ: "Baka manalo si FPJ, mahirap na".

Siguro, bago tayo maghanap ng ideyal na pangulo, maghanap at humubog muna tayo ng ideyal na botanteng Pilipino.

Mga two months ago,  tumungo ako sa Barangay para humingi ng permit para sa aking munting negosyo. Hinanapan ako ng voter's registration. Buti na lang naka-rehistro na ako.

Aug 24, 2009

Flashflood!

Dalawa, tatlong beses weekly mong binibiyahe ang kahabaan ng highway na nagdurugtong sa Gensan at Koronadal (a.k.a. Marbel), akala mo alam mo na'ng lahat ng sorpresang maaaring hatid nito. Pero kani-kanina lang mga alas-dos ng hapon, sinalubong ako (at ng iba pang mga sasakyan) ng rumaragasang tubig-baha mula sa umapaw na ilog sa may bandang Sulit, bayan ng Polomolok.

Papalabas pa lamang ako ng Gensan kanina, nang bumuhos ang malakas na ulan. Sa sobrang lakas, alalay ang takbo ng mga sasakyan. Convoy ang dating; nasa unahan ko ang isang Ford Everest.


Noong unang akala ko ay may aksidenteng nangyari bakit nagsimulang magka-trapik bandang Durian Garden sa upper Polomolok. Inihanda ko kaagad ang aking camera.

Laking gulat ko na lang ng masilip ko sa gawing kanan ang ilog na nag-uumapaw sa kulay-tsokolateng tubig.

Ang alam ko tuyo ang ilog na ito sa kanyang normal na katayuan. Hindi ko maaaring makalimutan, apat, limang taong-gulang ang anak ko; kung paanong kulit-kulitin ako sa katatanong tuwing napapadaan kami sa lugar na 'to: "Pap, ilog ba yan? Bakit walang tubig?" Na buong payak ko namang sinasagot: "Wala na kasing mga puno sa gubat, anak, kaya wala nang tubig sa mga ilog."

E paano kaya kung makita ng anak ko ang ilog na ito ngayon at magtanong ng "Bakit ang daming tubig sa ilog?", anong isasagot ko?"Dahil marami nang mga puno sa gubat"?



Mabalik tayo. Konting usad pa at tumambad na rin sa wakas ang tunay na dahilan ng trapik.

Umukit ng bagong ilog ang tubig-baha. Sinagasaan ang ang mga kabahayan sa gawing kanan, tumawid ng highway, at tuloy-tuloy ito sa mga taniman at sakahan sa gawing kaliwa. May mga sasakyang napilitang tumabi. Batay, sa wari ko, sa pagtataya ng mga driver nito na hindi kakayanin ng mga sasakyan ang salubungin ang "ilog".


Nasa ganun din akong pagtataya. Lalo't naramdaman ko ang di-kaliitang mga bato na nasasagi ng gulong at ilalim ng aking sasakyan. Ang kaibahan lamang ay, nagsimula ako sa ganung pagtataya noong ako'y nasa kalagitnaan na. Paano kung maramdaman ko na'ng hindi na sumasayad ang gulong ng sasakyan?

Hindi naman ganun ang nangyari. Obviously, dahil heto't nakapagsulat pa ako tungkol dito. Isang bagay na naman na naipapasalamat ko sa Diyos.

Kaya lamang, hindi mawaksi sa isipan ko ang imahe ng mga taong nakahimpil sa iilang bahagi ng tabing-highway. Hindi sila nakamasid sa mga sasakyang nagmamaniobra sa baha, na tulad ng karaniwang inaasahan sa mga ganitong sitwasyon. Sa halip, nakatunghay sila sa kanilang mga kabahayan habang bumubuga ng tubig-baha ang mga bintana, pintuan at mga siwang sa dingding nito. Nakatanaw sila sa kanilang mga sakahan at taniman habang ito'y "binibiyayaan ng dambuhalang irigasyon". May mga bagay pa rin kaya silang maipapasalamat sa Diyos?

Ang larawang ito ay kuha kinabukasan. Bahagyang umangat ang sahig
ng ilog dahil sa mga naipong banlik, bato at buhangin. 
Ang ilog ay tuyo sa panahong normal.

Aug 23, 2009

Kaibang perspektiba


Napansin mo ba agad ang kaibahan ng larawang ito mula sa libong litrato ng sunset na nakita mo na sa buong buhay mo?

Kung hindi, dumadami kayong hindi nakakapansin. Naba-balewala yata lahat ng pinagpaguran kong pag-areglo sa litratong ito para maging kaiba siya. Mukhang hindi ako naging matagumpay sa mga tulad mo.

Sige na nga, tutulungan na kita. Click mo yung larawan; at pag naka-enlarged na siya (kung hindi pa, gumawa ka ng paraan para ito ay ma-enlarged); baliktarin mo ang monitor ng computer mo. Kung naka-laptop ka, e di baliktarin mo ang buong laptop mo.

Napansin mo na?

Kuha ko yan gamit ang aking pinakamamahal (dahil hindi siya mura) na point-and-shoot camera habang ako ay lulan ng Superferry mula Iloilo patungong Manila noong nakaraang Disyembre. Nasa west side yata kami ng isla ng Panay nang mga panahong ito.

Ewan ko kung nagagandahan ka sa kuha na ito (baliktad man o hindi). Ako kasi, mababaw lang ang kaligayahan.

Aug 21, 2009

Dayo Re-launched

Just the right time. Agosto, buwan ng wika. Agosto 21, paggunita sa kabayanihan ng isang makabayang martir. Tamang-tama lang sa re-launching ng blog kong ito. Isang blog na isusulat ko sa wikang... well, Pinoy.

Kung saan-saan na napasyal ang blog na 'to; paiba-iba rin ng titulo, sa kakahanap ng kanyang nitso (niche, baga).

Ngayon, tatawagin ko itong Dayo. Maraming kahulugan ang salitang dayo; pwedeng bisita, dalaw, stranger, foreigner, langyaw. In general, nagpapatungkol sa isang tao o bagay na coming from the outside. Ang mga matutunghayan nyo sa blog na ito ay mga salita (at larawan) na nabuo mula sa pagtingin sa mga bagay-bagay mula sa labas.

Kumbaga, para tayo ay higit na maging objective sa ating mga paglalarawan o paghuhusga sa mga bagay-bagay, ilayo natin ang ating mga sarili at tingnan ang mga ito mula sa labas.

Si Ninoy, pansamatalang lumayo at mula sa Amerika sinuring lalo ang kalagayan ng bansa at pinanday ang mga adhikain para sa malayang Pilipinas. Gayundin si Rizal; ang Noli at Fili ay sinulat nya nung siya'y namalagi sa Europa.

Oo na, umiwas rin sila sa persecution ng gobyerno, alam ko. At wala rin akong planong maging Ninoy at Rizal.

Maglalaman din ang blog na ito ng mga kwento at imahe mula sa mga natatanaw at nararanasan ko sa halos lingguhang pagbibiyahe sa mga highways ng South Cotabato, at sa paminsan-minsang pag-dayo sa iba pang lugar ng bansa.

Samahan nyo ko.