Sep 7, 2009

Pangulo? o Botanteng Pilipino?

Naka-rehistro na muli ako. I mean, botante na uli ako. Ginawa ko ito noong April 15 nitong taong ito. Kung bakit? Eh, pinag-iisipan ko nga ngayon kung bakit nga ba.

Huli akong bumoto noong panahon kung kelan tumakbong pagka-pangulo si Senador Raul Roco. Noong first time syang tumakbo. Mula noon, hanggang miron na lang ako. Tinamad akong magpalipat ng lugar ng rehistro (matapos lumipat ng tirahan sa probinsya); tinamad akong magpa-re-register (nang marinig kong nilinis nila ang voters' list). Lumahok pa rin ako noong mga sumunod na halalan; nangampanya para sa ilang mga kandidato. Pero hindi na ako bumoto.

Dismayado ako nang matalo si Roco, ang kandidato ko. Dismayado ako sa mga bumoto sa nanalo; sa mga nagpaloko. Tingin ko kasi, hindi naman eleksyon ang nangyari. Hindi pumili ang mga botante ayun sa merits at programa ng isang kandidato. Parang pustahan ang nangyari, tumaya ang mga tao sa llamado. Ang sarap nga naman ng feeling pag, at the end of the day, lumabas na ang manok mo ang nanalo. Para ring naging bilihan ng lotto ang eleksyon. Nang makitang lumalaki ang pot, nagpilahan ang mga tao; hoping may masungkit silang biyaya kahit pira-pirasong barya.

Oo, alam ko may iba pang mga anggulo sa pagsusuri sa mga nangyari. Ang sinasabi, pinahiwatig ng "masa" ang kanilang kolektibong boses (na para bang ako ay hindi bahagi ng "masa"). Ang iba nama'y, "Eh sa ganun lang naman kababaw ang kaligayahan ng mga Pilipino, masaya na silang nanalo ang binoto nila". At marami pang iba.

Ang siste, nabalewala ang boto kong pinagmuni-munihan at pinagsimba ko ng todo-todo, dahil lang sa kapritso ng marami sa mga kapwa kong binalewala ang kapangyarihang sana'y nagamit para sa tunay na pagbabago at pag-unlad.

At, not just once but twice! Naulit ito noong sumunod na presidential election. Taong 2004. Muling bumuhos ang todo-todong suporta ng "masa" sa isang kandidatong ni ayaw maglahad ng kanyang kongkretong programa sa pamamahala (assuming na meron)! Kinailangan pang dayain maudlot lamang ang nakaambang nakakabagabag na scenario sa Palasyo.

Pero higit  na nakabagabag ang tinuran ng isa kong kaibigan kung bakit ang incumbent na si Ginang Arroyo ang pipiliin (at pinili) nya bagama't meron pa siyang napupusuang ibang kandidato na sa kanyang tingin ay mas nababagay maging pangulo kaysa sa dalawang nangungunang magkaribal na si Arroyo at FPJ: "Baka manalo si FPJ, mahirap na".

Siguro, bago tayo maghanap ng ideyal na pangulo, maghanap at humubog muna tayo ng ideyal na botanteng Pilipino.

Mga two months ago,  tumungo ako sa Barangay para humingi ng permit para sa aking munting negosyo. Hinanapan ako ng voter's registration. Buti na lang naka-rehistro na ako.