Dec 23, 2010

Kakalimutin, Kakahiya: Isang episode sa Rai Rai Ken

Nagiging makakalimutin ka na ba? Bakit nga ba tinatanong ang ganito sa mga nagkakaedad na? Esklusibong bang katangian ng mga matatanda ang pagiging makakalimutin? Palagay ko hindi. Dahil ako, nagiging makakalimutin nitong mga nakaraan pero uhm, bata pa naman ako. Sya, oo na, ang ibig kong sabihin ay hindi naman ako nagiging makakalimutin kahit ako ngayo'y nagkaka-edad na. Tanggap na? Tanggap.

Nitong nakaraang Lunes, kumain kami ng ex-gf ko (na ngayo'y misis ko na, kinaklaro ko lang ulit) sa isang restoran sa loob ng Robinsons Place sa Gensan. Alam nyo, mas masaya dito sa Robinsons, dahil maaliwalas. Mas kakaunti ang taong namamasyal kumpara sa ibang malls. Kumbakit kakaunti, see for yourself na lang. Pasyalan nyo rin. Try nyo na hindi pasko. Dahil sa ngayon ay punuan talaga lahat ng mga malls, mura man ang paninda o mahal.

Mabalik tayo. Kumain kami sa Rai Rai Ken, isang Japanese-themed resto. Sa paboritong Mandarin Tea Garden sana kami kakain, isang Chinese-themed na resto. Kaso puno. Naka-reserved ang kalahati ng espasyo nito. Ang maganda rito sa Rai-Rai-Ken, meron silang mga "kanin-pa-lang-ulam-na" rice platter orders na kasya sa 3-5 katao.

Katawa, dahil nang umorder kami sa waiter tinanong namin kung kasya sa amin ni misis ang Yakemeshi platter; sagot nya sa amin, "Ma'am, sir,  good for 3-5 persons po ito", na para bang sinasabi nyang, "Sobra pa po sa kasya". Thought bubble namin pareho ni misis: Ay,  ina-underestimate nya kami, sige lang.

Yakemeshi ng Rai Rai Ken

Sa madaling kwento, kumain na kami. Tiyempong kasisimot lang namin ng buong platter ng dumating ang long-lost kumare kong si Lilette.  Di naman sorpresang madayo sa lugar na yon si kumare. Asawa niya ay isang Hapones. Kwentuhan at kumustahan kami at napag-alaman ko na ang mga inaanak ko na huli kong nakita noong sila'y mga uhugin pa ay nasa high school na. Talipandas ko talaga na ninong. Ang lagay, hindi pa ako nagiging makalimutin nyan.

Di nagtagal ay humayo na rin kami dahil mamimili (accent on the 3rd) pa sa maaliwalas na Robinsons ng mga panregalo sa Pasko. Naiwan si Kumare sa resto.

Mga 15 minuto rin ang lumipas at nasa kalagitnaan kami ng pangungukay sa Toys Section ng Department Store nang tumunog ang aking cellphone. Noong una'y hindi ko pa naalintana. Bihirang may tumawag sa akin kaya hindi ako pamilyar sa tunog ng bagong cp kong kamukha ng Blackberry na hindi naman.

"Hello?"

"Hello, sir! Si blah-blah po ito ng..."

"Hello? Di ko gaano naririnig, sino po ito?". Ang ingay kasi ng paslit na pinipilit ang tatay nyang bilhan sya ng bilyaran. Billiard set lang naman.

"Sir, si (pangalan nya) po ito ng Rai-Rai-Ken."

"Ah, okay. Yes, ano po yon?". Sabay taka paano nya nakuha number ko, hindi naman ako naglaglag ng business card sa anumang fish bowl.

At mukhang may ESP naman ang kausap ko, "Sir, nakuha ko po number nyo sa kumare nyo na nandito."

"Ah, oo, si kumare. Meron nga siyang number ko." Thought bubble ko: Pero bakit mo ako tinatawagan?

"Sir, nakalimutan nyo po ni Ma'am na magbayad."

Alam nyo na ang kasunod na sound effect.

Dec 17, 2010

Hubert Webb Acquitted: Hustisya?

larawan mula sa Justice
for Hubert Webb Facebook Page
Tapos na kayo? Ako naman. No, wala akong planong dumagdag sa alingasngas. Kaya pinalipas ko muna nang ilang araw bago ko tinuloy at tinapos ang pagsusulat ng post na ito. Hindi ko planong i-discuss ang mga legal, social at political ramifications etcetera ng desisyon ng Korte Suprema; dahil una, hindi ako kwalipikado at pangalawa I don't think may pakialam pa ang karamihan. May kanya-kanyang posisyon na ang lahat sa usapin at mahirap nang balikuin ang mga ito. Noon pa man, sa kalagitnaan ng paglilitis sa kaso (1990s pa), hati na ang mga tao. At kaninong panig man sila kampi, may iisa silang pananaw sa sistemang hukuman ng ating bansa - bulok ito.

Ako, magbibigay na lamang ng isang unsolicited na payo sa mga aktibong partisipante sa diskusyunan ukol sa kontrobersyang ito: subukang ilagay ang sarili sa sapatos ng kabilang panig. Kung ikaw ay lubhang natuwa sa paglaya ni Hubert at kasamahan nito, isiping ikaw si Lauro Vizconde at damhin ang mawalan ng isang pamilya sa isang kasing-bayolenteng paraan. Kung ikaw ay kapanig ni Mang Lauro, isiping ikaw si Hubert at alam mong wala kang sala. Ngayon, napapaisip ka?

O kung ikaw si VACC President Dante Jimenez (na namatayan rin ng kapatid dahil sa krimen), na ayaw nang maniwala sa ating criminal justice system; isipin mo na lang kung burahin na nga nating tuluyan ang criminal justice system sa bansa. Sa totoo lang, kung ako rin ang nasa sapatos ni G. Jimenez., baka hindi lang P.I. ang maibubulalas ko, baka P.A. rin (para gender-fair naman); at magpapasalamat kayo sa akin dahil nalaman nyo tuloy na meron palang bagay na kung tawagin ay criminal justice system, at meron tayo nito.

larawan mula sa
Inquirer.net
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang pagsasanga ng mga hakbangin ng mga interesadong partido kaugnay ng kasong ito (teka, may kaso pa rin ba?). Merong kakasuhan raw ang diumano'y pekeng testigo na si Jessica Alfaro o yaong mga ahente ng NBI. Merong bubuksan raw muli ang kaso ng Vizconde Massacre (at bakit hindi?). Merong paghahain sa Korte Suprema ng motion for reconsideration ng kampo ng mga Vizconde, etcetera. Si G. Jimenez ay nadismaya nang tuluyan at nagbitiw na bilang pangulo ng grupong VACC.

At tuloy-tuloy rin ang alingasaw ng iba pang mga balita't tsismis na karamiha'y halatang likha lamang ng ating mga media'ng gutom sa ratings.

Ako, manghihiram ng mga kataga ni G. Webb (si Freddie, yung ama): There is lesson to be learned here. May aral na matututunan mula rito. Sumasang-ayon ako. Aral na tumatagos sa kaibuturan ng mga pamantayan at pagpapahalaga (values) nating mga Pilipino.

Hanggang sa muli. Sa hatol naman ng kasong Maguindanao Massacre.

Mar 18, 2010

Ang tagal!

"Ang tagal!" Sa maraming pagkakataon maaaring i-usal ang mga katagang ito. Sa haba (at patuloy na humahabang) oras ng brownout araw-araw sa halos kabuuan ng Mindanao (liban anila sa Davao City); at sa tagal mag-isip at kumilos ng pamahalaan sa kung papano ito mabigyang kalutasan. Pwede ring gamitin ang mga naturang salita kung atat na atat ka nang magkaroon ng bagong pangulo ang Pilipinas. Biruin mo 2004 ka pa nang huling nangarap ng bagong mukha sa Malakanyang. Parang ang tagal namang dumating ng May 10, 2010. Pero kwidaw ka, tatakbo pong Kongresista si Gloria at malamang kaysa hindi, mananalo ito at baka magiging Speaker pa o di kaya'y Punong Ministro. Tatagal pa po si Ginang Arroyo.

"Ang tagal" rin ang maaaring maglarawan ng pag-usad ng blog na ito. Setyembre noong nakaraang taon pa ang huling post. Kalahating taon! Mortal sin yata ang ganito sa blogging community. Hmmm, hindi naman siguro. Wala namang akong hinahabol na deadline o page rank, o kung anupaman. Ang ibig kung sabihin, hindi naman ako ganung klaseng blogger. Eh sa naging mas busy ako sa Facebook, anong magagawa ko.

Isang bagay na matagal ko nang huling ginawa ay ginawa ko noong Pebrero 12-13 - ang bumisita sa bayan ng Kiamba, Sarangani Province. Noong mga circa 2001 ako huling napasyal sa lugar na ito. Erya ko kasi ang Kiamba noong ako'y nasa kasipagan pang magtrabaho sa isang NGO. Matagal na nga pala talaga batay na rin sa dami ng mga pagbabagong nakita ko - mula sa bagong tayo'ng mga tulay sa highway hanggang sa mga dagdag na guhit sa mukha ng mga Kiambans na noo'y naging kaagapay ko sa trabaho.


"RNR", isa sa mga entries ko sa photo contest. 
Kuha ito mula sa seawall ng poblacion ng Kiamba

Sa pagdalaw ko sa Kiamba ay ginawa ko rin ang isang bagay na matagal-tagal ko nang pinaplanong gawin - ang sumali sa isang photo contest. Mga dalawang taon na mula nang nakahiligan kong magkukuha ng mga litrato gamit ang isang digital camera. Mga dalawang taon ko na ring binalak na umentra sa mga paligsahan, kahit dito lang sa lokal, sa layuning gusto kong matuto pa ng maraming bagay sa larangan ng potograpiya. Ngunit lagi na lang akong nababahag ang buntot. Nai-intimidate ako ng mga naglalakihang kamera't lente ng mga pros na magiging kasabay ko sa contest. (Wala bang photo contest na exclusive para sa mga point-and-shoot camera lang?) Walang swerte, lahat ng entries ko sa photo contest hindi nag-qualify. Baka nadaya raw ako sabi ng asawa ko. Ang sabi ko sa kanya, hindi naman ako sumali sa eleksyon.

Kailan ba akong huling tumambay ng matagal? November 2001, Toronto Airport, 11pm-6am; kakahintay ng connnecting tungong Halifax? July 2007 8am-1pm, Philippine General Hospital; nag-aabang kung magigising pa mula sa operasyon sa puso? Marso 6, 2010, 3-7am, Sunsweet cafeteria malapit sa plaza ng Malaybalay, Bukidnon; habang inaabangan ang Kaamulan Festival street dancing. Itong huli ang isa sa mga pinaka-nakakabagot na tambay na naranasan ko. Madaling araw, antok, pagod, pero hindi makatulog sa takot na masalisi. Kasalanan ko rin dahil ito ang ginusto kong itineraryo - punta, shoot, uwi. Hindi ko natantyang ganun kaaga makakarating ang bus mula Davao at ganun kahirap maghanap ng pansamantalang matutulugan (piyesta ba naman). Buti na lang may mga mabubuting kaluluwa tulad ng sikyo'ng si Ivan na nagpapayag sa aking tumambay sa 24/7 panaderya't kainan na kung tawagin ay Sunsweet. Kaluluwang nagpapaluwag ng buhay.


Isang bahagi ng street dancing sa Kaamulan Festival 2010, 
Malaybalay City, Bukidnon.