Dec 23, 2010

Kakalimutin, Kakahiya: Isang episode sa Rai Rai Ken

Nagiging makakalimutin ka na ba? Bakit nga ba tinatanong ang ganito sa mga nagkakaedad na? Esklusibong bang katangian ng mga matatanda ang pagiging makakalimutin? Palagay ko hindi. Dahil ako, nagiging makakalimutin nitong mga nakaraan pero uhm, bata pa naman ako. Sya, oo na, ang ibig kong sabihin ay hindi naman ako nagiging makakalimutin kahit ako ngayo'y nagkaka-edad na. Tanggap na? Tanggap.

Nitong nakaraang Lunes, kumain kami ng ex-gf ko (na ngayo'y misis ko na, kinaklaro ko lang ulit) sa isang restoran sa loob ng Robinsons Place sa Gensan. Alam nyo, mas masaya dito sa Robinsons, dahil maaliwalas. Mas kakaunti ang taong namamasyal kumpara sa ibang malls. Kumbakit kakaunti, see for yourself na lang. Pasyalan nyo rin. Try nyo na hindi pasko. Dahil sa ngayon ay punuan talaga lahat ng mga malls, mura man ang paninda o mahal.

Mabalik tayo. Kumain kami sa Rai Rai Ken, isang Japanese-themed resto. Sa paboritong Mandarin Tea Garden sana kami kakain, isang Chinese-themed na resto. Kaso puno. Naka-reserved ang kalahati ng espasyo nito. Ang maganda rito sa Rai-Rai-Ken, meron silang mga "kanin-pa-lang-ulam-na" rice platter orders na kasya sa 3-5 katao.

Katawa, dahil nang umorder kami sa waiter tinanong namin kung kasya sa amin ni misis ang Yakemeshi platter; sagot nya sa amin, "Ma'am, sir,  good for 3-5 persons po ito", na para bang sinasabi nyang, "Sobra pa po sa kasya". Thought bubble namin pareho ni misis: Ay,  ina-underestimate nya kami, sige lang.

Yakemeshi ng Rai Rai Ken

Sa madaling kwento, kumain na kami. Tiyempong kasisimot lang namin ng buong platter ng dumating ang long-lost kumare kong si Lilette.  Di naman sorpresang madayo sa lugar na yon si kumare. Asawa niya ay isang Hapones. Kwentuhan at kumustahan kami at napag-alaman ko na ang mga inaanak ko na huli kong nakita noong sila'y mga uhugin pa ay nasa high school na. Talipandas ko talaga na ninong. Ang lagay, hindi pa ako nagiging makalimutin nyan.

Di nagtagal ay humayo na rin kami dahil mamimili (accent on the 3rd) pa sa maaliwalas na Robinsons ng mga panregalo sa Pasko. Naiwan si Kumare sa resto.

Mga 15 minuto rin ang lumipas at nasa kalagitnaan kami ng pangungukay sa Toys Section ng Department Store nang tumunog ang aking cellphone. Noong una'y hindi ko pa naalintana. Bihirang may tumawag sa akin kaya hindi ako pamilyar sa tunog ng bagong cp kong kamukha ng Blackberry na hindi naman.

"Hello?"

"Hello, sir! Si blah-blah po ito ng..."

"Hello? Di ko gaano naririnig, sino po ito?". Ang ingay kasi ng paslit na pinipilit ang tatay nyang bilhan sya ng bilyaran. Billiard set lang naman.

"Sir, si (pangalan nya) po ito ng Rai-Rai-Ken."

"Ah, okay. Yes, ano po yon?". Sabay taka paano nya nakuha number ko, hindi naman ako naglaglag ng business card sa anumang fish bowl.

At mukhang may ESP naman ang kausap ko, "Sir, nakuha ko po number nyo sa kumare nyo na nandito."

"Ah, oo, si kumare. Meron nga siyang number ko." Thought bubble ko: Pero bakit mo ako tinatawagan?

"Sir, nakalimutan nyo po ni Ma'am na magbayad."

Alam nyo na ang kasunod na sound effect.

1 comment:

Gilbert Yap Tan said...

LOL. Ako minsan nakakalimot kunin ang sukli at iilan lang talaga ang honest na hinahabol ako para ibigay ang aking sukli. :)