Aug 24, 2009

Flashflood!

Dalawa, tatlong beses weekly mong binibiyahe ang kahabaan ng highway na nagdurugtong sa Gensan at Koronadal (a.k.a. Marbel), akala mo alam mo na'ng lahat ng sorpresang maaaring hatid nito. Pero kani-kanina lang mga alas-dos ng hapon, sinalubong ako (at ng iba pang mga sasakyan) ng rumaragasang tubig-baha mula sa umapaw na ilog sa may bandang Sulit, bayan ng Polomolok.

Papalabas pa lamang ako ng Gensan kanina, nang bumuhos ang malakas na ulan. Sa sobrang lakas, alalay ang takbo ng mga sasakyan. Convoy ang dating; nasa unahan ko ang isang Ford Everest.


Noong unang akala ko ay may aksidenteng nangyari bakit nagsimulang magka-trapik bandang Durian Garden sa upper Polomolok. Inihanda ko kaagad ang aking camera.

Laking gulat ko na lang ng masilip ko sa gawing kanan ang ilog na nag-uumapaw sa kulay-tsokolateng tubig.

Ang alam ko tuyo ang ilog na ito sa kanyang normal na katayuan. Hindi ko maaaring makalimutan, apat, limang taong-gulang ang anak ko; kung paanong kulit-kulitin ako sa katatanong tuwing napapadaan kami sa lugar na 'to: "Pap, ilog ba yan? Bakit walang tubig?" Na buong payak ko namang sinasagot: "Wala na kasing mga puno sa gubat, anak, kaya wala nang tubig sa mga ilog."

E paano kaya kung makita ng anak ko ang ilog na ito ngayon at magtanong ng "Bakit ang daming tubig sa ilog?", anong isasagot ko?"Dahil marami nang mga puno sa gubat"?



Mabalik tayo. Konting usad pa at tumambad na rin sa wakas ang tunay na dahilan ng trapik.

Umukit ng bagong ilog ang tubig-baha. Sinagasaan ang ang mga kabahayan sa gawing kanan, tumawid ng highway, at tuloy-tuloy ito sa mga taniman at sakahan sa gawing kaliwa. May mga sasakyang napilitang tumabi. Batay, sa wari ko, sa pagtataya ng mga driver nito na hindi kakayanin ng mga sasakyan ang salubungin ang "ilog".


Nasa ganun din akong pagtataya. Lalo't naramdaman ko ang di-kaliitang mga bato na nasasagi ng gulong at ilalim ng aking sasakyan. Ang kaibahan lamang ay, nagsimula ako sa ganung pagtataya noong ako'y nasa kalagitnaan na. Paano kung maramdaman ko na'ng hindi na sumasayad ang gulong ng sasakyan?

Hindi naman ganun ang nangyari. Obviously, dahil heto't nakapagsulat pa ako tungkol dito. Isang bagay na naman na naipapasalamat ko sa Diyos.

Kaya lamang, hindi mawaksi sa isipan ko ang imahe ng mga taong nakahimpil sa iilang bahagi ng tabing-highway. Hindi sila nakamasid sa mga sasakyang nagmamaniobra sa baha, na tulad ng karaniwang inaasahan sa mga ganitong sitwasyon. Sa halip, nakatunghay sila sa kanilang mga kabahayan habang bumubuga ng tubig-baha ang mga bintana, pintuan at mga siwang sa dingding nito. Nakatanaw sila sa kanilang mga sakahan at taniman habang ito'y "binibiyayaan ng dambuhalang irigasyon". May mga bagay pa rin kaya silang maipapasalamat sa Diyos?

Ang larawang ito ay kuha kinabukasan. Bahagyang umangat ang sahig
ng ilog dahil sa mga naipong banlik, bato at buhangin. 
Ang ilog ay tuyo sa panahong normal.

1 comment:

vince said...

this is serious --- well-documented. i never knew of this kahit pa taga polomolok ako. well maybe bihira na talaga an pag-uwi ko. this is so sad. eye-opener. thanks for posting this.